dregm

Sunday, December 19, 2010

ANG MAGSULAT BOW!

Minsan kung kailan ko gustong magsulat, kung kailan ako may panahon magsulat at kung kailan may panahong tumipa ang daliri ko, duon  naman ako walang maisip isulat. Pero minsan kung kailan ako may maisusulat, dun naman walang panahon na makapag sulat, dun naman ako abala sa ibang mga gawain. Kadalasan agad lumilipad ang magagandang ideya hanggang sa tuluyan na itong mawala, mabaon sa limot at hindi ko na mahuli, masilo at maikulong sa papel. Kadalasan inaakala ko na nasa imahinasyon ko pa pero mahirap madakip ang magagandang ideya, mabibilis silang magsitakbo, parang bulak sa gaan na kay daling tangayin ng hangin hanggang sa mawala nang parang bula. kaagad silang maglalaho at maghihintay na ulit  ako ng isang magandang ideya na biglang sasagi sa isipan ko at sana sa oras na yon ay hindi ako abala..
Ilang gabi nang may ulan malamig ang panahon, tahimik, umiihip ang basang hangin. Ganito ang panahon na gusto ko upang makabuo ng magagandang akda, makakatha ng tula pero walang maitipang letra ang mga daliri ko upang makabuo kahit na isang maikling tula o kwento.
Mas gusto ko ang gumawa ng mga tula dahil bukod pa sa maikli, ay nakakagawa ako ng mga simbolismo para sa mga nakapaloob sa tula. Nag-eenjoy nga rin ako dahil sa mga rhyming words e.  Hehehe!

ANG LAPTOP KO

 

Alam mo bang ikaw ang palaging kaulayaw

Sa pag gawa ng tulang malalim at mababaw

Hindi ba’t kahit saan man ako’y nakatanaw

Parating tangan ko’y ang nag iisang ikaw

           

Isang araw salita sa isip ko’y sumingaw

Hinagilap kaagad  ang nag iisang ikaw

Pagkat tula kong isusulat ay pupukaw

Sa mag babasang puso ay mapanglaw

 

Ginhawang dulot mo sa akin araw-araw

Sa puso ko ang tuwa ay nag uumapaw

Daliri habang tumitipa wari’y sumasayaw

Di man lang nanginginig kahit na giniginaw

 

Hanap ka sa tuwina, klinika man o sa bahay

Pagkat hilig magsulat nitong aking mga kamay

Antok ay napaparam kahit pa mata’y pumungay

Kung mawawala ka kulang ang aking buhay

 

Ang laptop kong ito’y marunong makisama

Hawak kahit natutulog minsa’y nabitawan ko na

Pag gising nang umaga nasa ilalim na ng kama

Kaagad kong dinampot kinausap kapag daka

 

Nakita kong talaga ang iyong panghihina

Baterya’y agad kinargahan at muling sumigla

Hindi na mauulit asal ko sa ‘yong di maganda

Iingatan at aalagaan sapagkat mahal na rin kita

 

Ngunit sakaling bigla ngang ikaw ay masira

Aligagang hahanap kaagad sa’yo ng gagawa

Bumabasa ng tula ko’y ‘wag sanang mabibigla

Pag katha nito’y pansamantala lang mawawala