ANG LAPTOP KO
Alam mo bang ikaw ang palaging kaulayaw
Sa pag gawa ng tulang malalim at mababaw
Hindi ba’t kahit saan man ako’y nakatanaw
Parating tangan ko’y ang nag iisang ikaw
Isang araw salita sa isip ko’y sumingaw
Hinagilap kaagad ang nag iisang ikaw
Pagkat tula kong isusulat ay pupukaw
Sa mag babasang puso ay mapanglaw
Ginhawang dulot mo sa akin araw-araw
Sa puso ko ang tuwa ay nag uumapaw
Daliri habang tumitipa wari’y sumasayaw
Di man lang nanginginig kahit na giniginaw
Hanap ka sa tuwina, klinika man o sa bahay
Pagkat hilig magsulat nitong aking mga kamay
Antok ay napaparam kahit pa mata’y pumungay
Kung mawawala ka kulang ang aking buhay
Ang laptop kong ito’y marunong makisama
Hawak kahit natutulog minsa’y nabitawan ko na
Pag gising nang umaga nasa ilalim na ng kama
Kaagad kong dinampot kinausap kapag daka
Nakita kong talaga ang iyong panghihina
Baterya’y agad kinargahan at muling sumigla
Hindi na mauulit asal ko sa ‘yong di maganda
Iingatan at aalagaan sapagkat mahal na rin kita
Ngunit sakaling bigla ngang ikaw ay masira
Aligagang hahanap kaagad sa’yo ng gagawa
Bumabasa ng tula ko’y ‘wag sanang mabibigla
Pag katha nito’y pansamantala lang mawawala
No comments:
Post a Comment